Babae Kami!" (Gabriela Women's Party 5th Convention)

BABAE KAMI

Marra Pl. Lanot

 

 

Babae kami

Hindi pagkaing

Sa mesa ihahain

Babalatan, hihimayin

Pampuno ng tiyan

O bagay lang sa basurahan

 

Babae kami

Hindi manikang

Lalaruin, huhubaran

Bibihisan, ikukulong

Sa kuna o ididispley

Sa eskaparate

 

Babae kami

Hindi lupang

Dudungkalan ng tanso

Hiyas at ginto

Tatamnan at iiwanan

Pagkatapos ng ani

Hahayaang magputik

Aapak-apakan o gagawing

Kandungan ng mga kalansay

 

Babae kami

Tao rin

Hindi robot o basahan

Hindi kaserola o kubeta

Hindi panaginip na walang isip

O imahen na hahabulin

Sa lumilipad na ulap

 

Babae kami

Nagluluwal ng sanggol

Na tagapagmana ng mundo

Marunong kaming umaninag

Ng hugis ng araw at gabi

Marunong maghimay

Ng kulay ng bahaghari

Marunong sumalo

Sa kaluluwang babagsak

Marunong magmahal

Sa pusong maalalahanin

Marunong lumaban

At magwasto ng baligtad

Habang naghahardin

Sa ikagaganda ng daigdig.