Palasyo malambot kay Chavit
Kinastigo kahapon ng grupong Gabriela ang Malacañang sa umano’y malambot na pagtanggap sa kasong kinasasangkutan ni Deputy National Security Adviser Luis ‘Chavit’ Singson sa pambubugbog nito sa dating kinakasama.
Hindi nagustuhan ni Gabriela party-list Rep. Liza Maza ang depensa ng Malacañang na ang problemang kinasasangkutan ni Singson ay isang “domestic problem” lamang gayong malakas ang ebidensya na nilatigo at binugbog nito ang ina ng kanyang limang anak.
Ayon kay Maza, sa halip na ipatupad ng Malacañang ang bagong batas na Magna Carta for Women at Republic Act 9262 o Anti-Violence Against Women and Children Act ay mistulang kinakampihan pa si Singson.
Hindi rin, aniya, katanggap-tanggap na sa halip na kasuhan at sibakin si Singson ay pinayuhan lamang ito ng Malacañang na magbakasyon muna.
“Malacañang’s statement urging Singson to take a leave of absence condones the act of violence against women. It is clear in the Magna Carta of Women chapter 3 section 5 that the state as the primary duty-bearer shall protect women against discrimination and from violation of their rights,” ani Maza.
Lalong napikon si Maza dahil din sa pahayag ng Malacañang na hindi nila maaaring disiplinahin si Singson dahil walang kaugnayan ang kinasasangkutan nitong kaso sa kanyang tanggapan.
Ayon sa mambabatas, ipinapakita lamang ng Malacañang na pinoprotektahan nila si Singson dahil ito ang nagbunyag sa umano’y jueteng payola ni dating Pangulong Joseph Estrada na naging dahilan para makuha ni Gloria Macapagal-Arroyo ang gobyerno.
\

Delicious
Digg
StumbleUpon
Propeller
Reddit
Magnoliacom
Newsvine
Furl
Facebook
Google
Yahoo
Technorati
Icerocket
