Disqualification vs Maza at Satur harassment

Source: 
www.abante-tonite.com

Puno ng kasinungalingan at isang uri lamang ng harassment na disqualification case na isinampa sa Commission on Elections (Comelec) laban sa mga senatorial candidates na sina Bayan Muna party-list Rep. Satur Ocampo at Gabriela party-list Rep. Liza Maza.

Ayon kay Kabataan party-list Rep. Raymond Palatino, dapat ibasura agad ng Comelec ang petisyong isinampa ng isang Krestoric Magbanua dahil isang uri lamang ito ng panggigipit kina Ocampo at Maza na parehong tumatakbo sa pagka-senador sa ilalim ng Nationalista Party (NP).

“It’s all form of harassment and nuisance suits. Comelec should immediately dismiss these petitions,” ani Palatino.

Depensa naman ni Maza, walang basehan ang kaso dahil gawa-gawa lamang ito ng taong nagpasimuno sa pagsampa ng kasong rebelyon sa Batasan 6 noong 2006 kung saan ibinasura lamang ng Korte Suprema.

Tingin naman ni Gabriela party-list Rep. Luzviminda Ilagan, malaking banta umano si Ocampo at Maza sa ibang kandidato sa pagka-senador kaya gumawa sila ng hakbang para gipitin ang mga ito.

“It’s part of the harassment that the progressive candidates are facing. Dahil solid ang boto na madi-deliver ng mga party-lists. It pose a threat to other candidates, there is no basis to the disqualification,” pagbibigay-diin naman ni Ilagan.