Pagpupugay sa Women Human Rights Defenders
Limang araw mula ngayon, ipagdiriwang na natin ang Pandaigdigang Araw ng mga Karapatang Pantao. Ito ang rurok ng 16 Days of Activism sa kilusang kababaihan na nagsisimula tuwing November 25 ng bawat taon. Ipinagdiriwang ang November 25 bilang International Day for the Elimination of Violence Against Women (IDEVAW) bilang pag-alaala sa magkakapatid na Mirabal ng Dominican Republic na dinahas at pinaslang noong 1960 dahil sa kanilang pakikipaglaban sa diktadura ni Rafael Trujillo.
Sina Patria Mercedes, Maria Teresa, at Maria Argentina Minerva ay ilan lamang sa napakaraming mga babaeng naging bahagi ng kasaysayan na naging matatag at matapang na nagtaguyod at nakipaglaban para sa mga karapatang pantao, at kumatawan sa mahalagang papel ng kababaihan sa pagtataguyod sa mga karapatang ito.
Sa loob ng 16 Days of Activism, kinikilala ang November 29 bilang Women Human Rights Defenders’ Day sa balangkas ng UN General Assembly Declaration of Human Rights Defenders na nilagdaan noong March 8, 1999. Ang deklarasyong ito ay para sa mga babae at lalaking nagtataguyod at nagtatanggol sa mga karapatang pantao.
Ang November 29 ay anibersaryo din ng First International Consultation of Women Human Rights Defenders (WHRDs). Binuo ito ng mga organisasyon para sa karapatang pantao sa Sri Lanka noong 2005. Sa araw na ito idineklara ng mga kalahok ng konsultasyon ang November 29 bilang International Day on Women Human Rights Defenders.
Sa Manila Declaration ng 4th Regional Human Rights Defenders Forum na nilagdaan ng 120 na mga tagapagtanggol ng mga karapatang pantao mula sa 16 bansa sa buong Asia noong December 4, 2010, iginiit nila ang kahalagahan ng pagtatangol sa mga human rights defenders dahil mahalagang salik sa pagpapatatag ng demokrasya ang pagtitiyak sa pagrespeto sa mga karapatang pantao. Ipinanawagan din nila ang agarang pagpapahinto sa kriminalisasyon ng mga gawaing para sa karapatang pantao, at ang mabilis at walang kondisyong pagpapalaya sa mga bilanggong politikal. Iginiit rin nila ang proteksyon, lalo na nang kababaihang human rights defenders, hindi lamang dahil sa kanilang gawain, kundi dahil mga babae sila na humaharap din sa mga banta ng hindi pantay na pagtingin sa mga babae dahil sa kaayusang patriyarkal.
Sa buong daigdig, napakarami nang mga babae ang lumalahok sa kilusang ito ng kababaihang nagtatanggol sa mga karapatang pantao. At sa pangunguna ng kababaihan sa pagtataguyod ng mga karapatang pantao, nagkakaroon ng lakas at tinig ang kababaihang walang boses sa lipunang patriyarkal.
Sa kasaysayan ng kilusang kababaihan sa ating bansa, napakaraming mga babae na ang nagtanggol at patuloy na nagtatanggol sa mga karapatang pantao, lalo-lalo na iyong mga karapatan ng mga sektor na walang tinig sa lipunan. Ngunit ano bang kabalintunaan ang buhay ng kababaihang ito na sila mismo ay biktima ng pinakamasahol na mga paglabag sa mga karapatang pantao dahil sa kanilang pagtatanggol sa mga karapatang ito at sa paniniwalang ang mga karapatang pantao ay dapat na tinatamasa ng lahat.
Ilan sa mga babaeng ito sina Karen Empeno, Sherlyn Cadapan, Benjaline Hernandez, Atty. Connie Brizuela at Atty. Cynthia Oquendo
Sina Karen Empeno at Sherlyn Cadapan ay mga lider-estudyante ng UP na biktima ng enforced disappearance. Ayon sa kasama nilang nakatakas, dumanas ng water cure sina Karen at Sherlyn habang nakabitin ng patiwarik. Kasabay nito ay naging biktima rin sila ng mga pang-aabusong sekswal. At katulad ng iba pang mga biktima at pamilya ng enforced disappearance, napakalayo pa at napakalabo ng hustisya para sa kanila.
Nais ko ring ipakilala sa inyo si Benjaline Hernandez. Siya ay Deputy Secretary General ng Karapatan Southern Mindanao. Nananaliksik siya tungkol sa kalagayan ng mga magsasaka sa Arakan Valley nang pinatay siya ng paramilitary forces sa pamumuno ni Sgt. Antonio Torilla ng 12th Special Forces Company/7th Airborne Batallion ng Philippine Army, noong Abril 5, 2002. May tama siya ng bala sa leeg, dibdib at kaliwang palad. Wasak din ang kanyang bungo dahil sa hampas ng matigas na bagay. Sinasabi sa awtopsiya na binaril nang malapitan si Beng. 23 taon lamang siya, at napakarami pa sana niyang matutulungan at maipagtatanggol.
Hindi rin natin nakakalimutan ang 57 biktima ng Ampatuan Massacre. Kasama sa kanila sina Atty. Connie Brizuela and Atty. Cynthia Oquendo, mga babaeng human rights defenders at kasapi ng Gabriela Women’s Party. Bilang abogado, si Atty. Connie Brizuela ang tagapagtanggol ng mga biktima ng violence against women. Hanggang sa kasalukuyan, wala pa ring nangyayari sa kaso laban sa mga Ampatuan.
Huwag rin nating kalimutan sina Eden Marcellana at Luisa Posa. Si Eden Marcellana ay naging secretary general ng Karapatan-Southern Tagalog. Siya ay biktima ng extra-judicial killing. Si Luisa Posa naman at naging tagapagsalita ng SELDA (Samahan ng mga Detenido Laban sa Detensyon at para sa Amnestiya). Biktima siya ng enforced disappearance.
Sa buong panahon ng panunungkulan ni GMA, 1,206 ang naging biktima ng extra-judicial execution. At sa kabuuang ito, 153 ang kababaihan at 476 ang human rights defenders; 206 ang mga biktima ng enforced disappearance, 31 sa kanila ang kababaihan at 68 naman ang human rights defenders.
Umabot naman sa 2,059 ang mga illegal na ikinulong at kinasuhan ng kung anu-anong mga kaso. At 343 sa kanila ang nakakulong pa rin hanggang sa kasalukuyan, 63 sa kanila ang kababaihan.
Nang inilabas ni Pangulong Aquino ang Memorandum Order #6, sinabi niya na ang lalamanin ng pambansang polisiya ng kanyang pamahalaan para sa pambansang seguridad ay nakatuon sa governance, delivery of services, economic reconstruction and sustainable development, at security sector reform. Ngunit sa mahigit sa 500 araw nang pamumuno ni Presidente Aquino, 55 na ang biktima ng extra-judicial killings, 3 sa kanila ang babae. Walo (8) naman ang biktima ng enforced disappearance. At sa 356 na mga bilanggong politikal, 11 sa kanila ang inaresto sa panunungkulan ni Pangulong Aquino at 35 sa kanila ang mga babae.
Habang patuloy na humahaba ang listahan ng mga biktima ng karahasan, habang patuloy na dumadami ang mga pangalan sa listahan ng mga biktima, at habang isinasantabi ng pamahalaan ang mga biktima bilang mga karaniwang kriminal, nagpapatuloy ang pananaig ng culture of impunity sa bansa. Dapat nang wakasan ang culture of impunity at nararapat lang na mabigyan ng katarungan ang kababaihang at lahat ng mga biktima ng mga paglabag sa mga karapatang pantao.
Bilang pagkilala sa napakahalagang papel ng women human rights defenders, ang representasyong ito ay isa sa mga nagtataguyod ng House Bill 5379 at 5580. Ang HB 5379 ay pagkilala sa mga karapatan ng mga human rights defenders at pagtatakda ng mga kaparusahan sa paglabag sa 1998 UN Declaration of Human Rights Defenders. Kinikilala naman ng HB 5580 ang November 29 ng bawat taon bilang Women Human Rights Defenders’ Day.
Ang paggunita sa December 10 bilang International Human Rights Day ay magiging mas makabuluhan lamang kung bibigyan natin ng mataas na pagkilala, respeto at pagtatanggol ang mga karapatang pantao, at ang pagtitiyak sa kaligtasan ng mga nagtatanggol sa mga karapatang pantao.
Bilang pagwawakas, hayaan po ninyong basahin ko sa inyo ang isang bahagi ng tula ni Concepcion Empeno para sa kanyang anak na si Karen:
Kung meron lang taglay na kapangyarihan
Aking pipigilin paglubog ng araw
Pilit sumisiksik sa aking isipan
Ang giliw kong anak na siyang inagaw
Sa tuwing sasapit ang aking pagtulog
Luha at hinagpis ang siyang bumbalot
Naisin ko mang ibaon sa limot
Ngunit hindi kaya at binabangungot
Sa buong magdamag, mga mata’y dilat
Ang dilag na anak sa isip ay yakap
Nang dahil sa kanya pamilya’y namulat
Sa dusa ng bayan, laluna ang mahihirap
Huwag pabayaan ang ganitong lagay
Bayang sinisinta’y dapat ipaglaban
Sa mga namumuno na lubhang gahaman
Dapat maputol na itong kabuhungan.
Magandang hapon po sa ating lahat. ###
December 5, 2011

Delicious
Digg
StumbleUpon
Propeller
Reddit
Magnoliacom
Newsvine
Furl
Facebook
Google
Yahoo
Technorati
Icerocket

