Manipestasyon sa Pag-alis ng VAT sa Langis
Narito po ako upang dalhin sa kapulungang ito ang tinig ng mga kababaihang patuloy na hinihigop ng kumunoy ng kahirapan dahil sa patuloy na pagtaas ng presyo ng langis at mga bilihin.
Tataas na naman ang langis ngayong linggo. Mula noong Marso 8 hanggang sa ngayon, nasa P48.10/litro ang krudo, P57.75/litro ang gasolina at P835 hanggang P919 ang isang 11-kg tangke ng LPG. Kapag naganap ang nakaambang pagtaas ng langis , tinatayang aabot na sa P50.00 ang presyo ng krudo at P60.00 naman ang gasolina.
Sa loob lamang ng 10 linggo ngayong taon, 8 beses nang tumaas ang gasolina. Umabot na sa netong P 3.20 per liter ang itinaas sa presyo ng krudo, P 5.85 sa gasolina, at mahigit sa P190 bawat tangke ng LPG.
Dahil sa mga pagtaas na ito, nababawasan ng P96.00 araw-araw ang kita ng mga drayber dahil gumagastos sila ng halos P1,443 araw-araw para lamang sa gasolina. Napakabigat na pasanin ito lalo na sa 10.4% na mga mamamayang walang trabaho sa Metro Manila, at 4 na milyong Pilipinong hindi makahanap ng trabahong may sapat na kita, upang matustusan ang pag-aaral at nutrisyon ng kanilang mga anak. Ang PhP404.00 na sahod ng mga manggagawa sa Metro Manila ay napakalayo sa PhP989.00 araw-araw na gastusin ng isang pamilyang may anim na myembro.
Ang walang habas na pagtaas sa presyo ng langis ay lalong pinabigat na pasanin sa mahihirap nang ipinatupad ang RA 8424 at RA 9337. Sa pamamagitan ng RA 8424, nagkaroon ng VAT ang mga bilihing araw-araw na kinukonsumo ng mahihirap na pamilya, at sa pamamagitan naman ng RA 9337, nagkaroon na rin ng VAT ang gasolina at iba pang mga produktong petrolyo.
Nang ipinatupad ang mga batas na ito, sinabi ng pamahalaan na ang dagdag na kikitain mula sa VAT ay gagamitin upang maiahon ang ating mga kababayan. Ngunit lalo lamang nito silang inilubog sa kahirapan. Lalo nitong pinaliit ang kakayanan nilang bumili dahil sa napakataas na presyo ng mga bilihin samantalang kakarampot ang kanilang kinikita.
Kapag inalis ang VAT sa langis, mababawasan ang gastusin ng konsyumer na nakalaan sa langis at maari nila itong ilipat sa gastusin para sa kanilang mga araw-araw na pangangailangan. Kapag inalis ang VAT sa langis, bababa ng halos P6.00 bawat litro ang presyo ng krudo, P 7.00 bawat litro ang presyo ng gasolina, at P110 sa bawat 11-kg na tangke ng LPG. Napakalaking alwan po nito sa mahihirap nating mga kababayan.
Maraming mga paraan upang makaipon ng pera ang pamahalaan na hindi na kailangang ipapapasan sa mahihirap; tulad ng pagpapahinto sa mga tax leakage na kumukuha sa P215 to P285 bilyon sa taunang kita ng pamahalaan.
Napakarami na ring mga batas ang nagbibigay ng tax incentives sa mga dambuhalang korporasyon tulad ng mga nag-ooperate sa mga economic processing zones na maaaring pagkunan ng pondong mawawala kung aalisin ang VAT.
Kabilang dito ang RA 7369 (An Act Granting Tax Duty Exemption and Tax Credit on Capital Equipment), RA 7916 of 1995 (Preferential Tax treatment for Special Economic Zones), RA 7844 of 1994 na nagbibigay ng tax credits para sa mga exporters, at ang RA 7227 of 1992 hinggil sa duty free importation sa mga dating US bases. Ang RA 9337 mismo ay nagbibigay din ng exemptions sa pagpataw ng VAT.
Tinataya ng IBON Foundation na mahigit P200 bilyong potensyal na kita ng gubyerno ang nawawala taun-taon dahil sa tariff reduction. Sa Japan Economic Partnership Agreement (JPEPA) halimbawa, nawalan tayo ng kitang P12.5 bilyon noong 2009 .
Sa 20 panukalang batas na nakahain sa kapulungang ito na may kaugnayan sa pag-aamyenda at pagbabasura ng Oil Deregulation Law, pagbabawas o pagbabasura sa VAT sa langis, sa pagsisiyasat sa labis na presyuhan sa langis, isa dito ang House Bill 4704 na inihain ng Gabriela Women’s Party ngayong ika-15 Kongreso.
Layunin ng panukalang batas na ito na amyendahan ang Seksyon 4 ng Republic Act 9337 upang hindi na mapatawan ng VAT ang mga pangunahing bilihin, ang langis, at iba pang mga produktong petrolyo.
Mga kagalanggalang na kapwa ko kinatawan, minabuti kong bigyan kayo ng kopya ng mga resolusyon mula sa iba’t ibang LGU na sumusuporta sa pagpapasa ng HB 4704 at nananawagan ring tanggalin ang VAT sa langis at sa mga batayang bilihin. Kapag naalis ang VAT,napakalaking alwan nito sa ating mga kababayan na sobra nang dumadaing sa hagupit ng tuloy-tuloy na pagtaas ng presyo ng mga bilihin sa harap ng kawalan ng trabaho at nakabubuhay na sahod.
Halimbawa po nito ang resolusyong ipinasa ng Liga ng mga Barangay ng Sto. Domingo, Nueva Ecija at mga barangay ng Marikina City. Sa mga susunod na linggo, asahan po natin ang pagpasok ng marami pang mga resolusyon mula sa iba pang mga lokal na pamahalaan na sumusuporta sa pagsasabatas ng panukalang ito. Patunay po ito na patuloy ang pagtutol ng ating mga kababayan sa overpricing sa langis.
Usaping buhay-at-kamatayan para sa napakaraming kababayang baon na baon na sa kahirapan na maalwanan sa sumisirit na presyo ng langis at pangunahing bilihin. Nararapat lang na pakinggan sila ng Kamara at aksyunan ang mga panukala sa pagtanggal ng VAT sa langis at sa mga pangunahing bilihin. Higit dito, panahon na ding kumilos ang Kamara para sa pagbabasura ng Oil Deregulation law.
Magandang hapon po sa ating lahat.

Delicious
Digg
StumbleUpon
Propeller
Reddit
Magnoliacom
Newsvine
Furl
Facebook
Google
Yahoo
Technorati
Icerocket

