Ang Hagupit ng Kasalukuyang Pandaigdigang Krisis Pampinansya sa mga Kababaihang Manggagawang Pilipino

Mr. Speaker, I rise today on a question of personal and collective privilege to bring to the attention of this chamber  the impact of the global economic crisis on Filipino women workers.

Sa Biyernes, Mayo uno, gugunitain natin ang araw ng paggawa. Ito ang araw ng pagkilala at pagbibigay-halaga natin sa kontribusyon ng mga manggagawa sa ekonomiya. Ito din ang araw upang ating bigyang pansin ang kanilang mga hinaing at kahilingan.  Subalit, isang kabalintunaan ang nagaganap sa kasalukuyan. Sa halip na buhusan ng tulong ang mga manggagawang apektado ng pandaigdigang krisis pang-ekonomiya, ang pamahalaang Arroyo pa ang nangunguna sa pagtatanggol sa interes ng mga malalaking dayuhang kapitalista.

Ginoong Speaker, tumambad sa atin ang malawakang tanggalan ng mga manggagawa nang pumutok ang pandaigdigang krisis pampinansiya. Inamin mismo ng DOLE na aabot sa 200,000 obrero ang tinatayang mawawalan ng trabaho sa unang anim na buwan ng 2009.  Inulat mismo ng DOLE na mula noong Enero 2009, umabot na sa 40,000 manggagawa ang natanggal sa trabaho at humigit sa 33,000 na ang nakakaranas ng pinaikling oras sa paggawa.

“It is not business as usual.” Ito ang sinabi ng Kalihim ng DOLE kamakailan sa walang humpay na tanggalan. “It is not business as usual.” Ito na nga ang kahihinatnan ng ating mga manggagawa!

Ginoong Speaker, ang mga manggagawang kababaihan ang higit na tinatamaan ng malawakang tanggalan, pagpapaigsi ng oras paggawa, at puwersahang pagbabakasyon o “forced vacation leave”. Pitumpu’t lima (75) hanggang walumpung (80) porsyento ng mga manggagawa sa export processing zones na lubhang tinatamaan ng krisis ay kababaihan. 

           Sa pag-aaral ng Workers Assitance Center at Solidarity of Cavite Workers na sumaklaw sa 108 pagawaan sa Cavite, umabot na sa 85,467 hanggang 89,167 manggagawa ang apektado ng tanggalan, pwersahang pagbabakasyon, at pinaikling oras paggawa.  Karamihan sa mga manggagawang ito ay nasa electronics and semiconductors, garments and apparel, at car and automotive industries. 

Sa ulat naman ng Center for Trade Union and Human Rights, humigit kumulang 40,713 manggagawa na ang biktima ng tanggalan at dislokasyon simula pa noong huling kwarto ng 2008.  Batay naman sa pag-aaral ng Ecumenical Institute for Labor, Education and Research, sa sampung manggagawang natatangal sa trabaho, pito ang babae.

          Sa halip na sawatahin ang malaganap na tanggalan, nagpalabas ang DOLE ng Advisory No.2 o Guidelines sa pagpapatupad ng Flexible Work Arrangements.  Pinahihintulutan nito ang mga patakaran tulad ng compressed workweek, pagpapaikli ng oras-paggawa, rotation ng mga manggagawa, broken-time schedule, at flexi-holiday schedule. 

          Ginoong Speaker, anti-manggagawa ang DOLE Advisory na ito! Nililegalisa nito ang matagal nang ipinapatupad na anti-labor flexible work arrangements sa loob ng mga economic zones at sa iba pang lugar sa bansa. Ipinagkakait nito sa mga manggagawa ang mga benepisyong nararapat lamang sa kanila. Inililigtas nito ang mga kapitalista sa mga dapat nilang bayarang oras at lakas paggawang ginugol ng mga manggagawa sa paglikha ng produktong nagdadala sa kapitalista ng limpak limpak na tubo.

          Dagdag pa rito, ginagawang dahilan ng mga kapitalista ang krisis at ang DOLE Advisory No. 2 para magtanggal ng mga manggagawa. Aminado ang DOLE na wala silang mekanismo para i-monitor ang mga kumpanya kung talagang nalulugi ang mga ito, lalo na ang mga naroroon sa economic zones. Nasaan ang interbensyon ng pamahalaan dito? Samakatwid, anti-manggagawa at maka-kapitalista ang DOLE Advisory na ito.

Ginoong Speaker, ang masahol pa rito, habang lumalala ang tanggalan at dislokasyon, lalo ring umiigting ang hirap at diskriminasyon na nararanasan ng mga kababaihang manggagawa. Sa isinagawang konsultasyon ng Gabriela sa mga manggagawang apektado ng tanggalan sa Cavite Export Processing Zone, napag-alaman namin na may mga kumpanyang nagpapatupad ng mga “discriminating” at “stringent” requirements tulad ng “must be a virgin” qualification. Kailangan raw munang pumasa sa “virginity test” ang mga babaeng aplikante upang sila ay matanggap sa trabaho. Sa sobrang hirap maghanap ng mapapasukan, napipilitan ang mga aplikante na tanggapin ang ganitong patakaran.

Ito ay lantarang diskriminasyon sa kababaihan!  Ito ay pakana ng mga kapitalista upang masiguro na hindi buntis ang manggagawa nang sa gayon ay makaiwas sila sa pagbabayad ng benepisyo tulad ng maternity benefits.

Nakakabahala, Ginoong Speaker, na tumataas rin ang bilang ng informal sector na resulta ng tanggalan at pagpapaikli ng oras sa trabaho at kita ng mga manggagawa. Dahil sa matinding kahirapan at kawalan ng pagkakakitaan, paparaming manggagawang nawalan ng trabaho ang nauuwi sa pagbebenta ng mga street foods, pangangatulong, at kung anu-anong impormal na gawain maitawid lang sa gutom ang pamilya. Napipilitan naman ang ibang kababaihan na pasukin ang mga odd jobs tulad ng pagbebenta ng katawan sa iskema ng prostitusyong “palit-bigas” at “palit-upa”. Nakakaalarma ang idinudulot na pagdausdos ng malawakang tanggalang ito sa kabuhayang-sosyal ng ating mga komunidad.  Kung magpapatuloy pa  ito, lalo pang sasahol ang kondisyon ng ating mga kababaihan at mga komunidad.

Naniniwala ang Gabriela Women’s Party at ang Kilusan ng Manggagawang Kababaihan na ang P330 bilyong ”Economic Stimulus Package” ng Administrasyong Arroyo ay hindi akmang tugon sa hagupit ng kasalukuyang krisis sa ekonomiya.  Ito ay isang pabalat-bunga at mapanlinlang na solusyon!  Iilan lamang ang makikinabang nito! Kung susuriin, ang malaking bahagi ng nasabing P330 bilyon ay ilalaan para sa mga proyektong imprastruktura tulad ng paggawa ng mga kalsada, tulay at iba pa.

Bukod sa panandaliang trabaho lamang ang lilikhain nito, walang lugar dito ang mga kababaihang pinaka-apektado ng kasalukuyang krisis at ng mga malawakang tanggalan. Higit pa rito, malalaking negosyo at dayuhang kapitalista lamang ang higit na makikinabang dahil kontrolado nila ang kalakalang-lokal, pati ang paglabas-pasok ng mga dayuhang produkto.

Salungat sa sinasabi ng International Labor Organization ang stimulus package ni Gng. Arroyo!  Ayon sa ILO ang stimulus package ay dapat nagtataguyod ng pagkakaroon ng trabaho at empleyo sa lahat ng sektor ng paggawa anuman ang kasarian. Dapat nitong pataasin at palakasin ang ”purchasing power” ng bawat pamilya dahil ito ang magpapalakas ng ”domestic consumption” na kinakailangan upang masuhayan at sumigla ang merkado tungo sa pag-unlad ng ekonomiya.         

Ginoong Speaker, walong Mayo Uno na ang nakakalipas sa ilalim ng pamahalaang Arroyo, subalit nananatiling naisasantabi ang mga karapatan at kagalingan ng mga manggagawang Pilipino lalo na ang kababaihan. Kamailan lang, sinabi ng pamahalaang Arroyo na huwag nang umasa ang mga manggagawa na magkakaroon ng pagtaas sa kanilang sahod at magpasalamat na lang dahil may mga trabaho pa sila.

Ano bang klaseng pamahalaan ito na sya pang unang bumabalewala sa kapakanan ng kanyang mga manggagawa? Hindi na nga dinadagdagan ang sahod,  lalo pa nyang pinabibigat ang pasang krus ng mga anak pawis sa pagtataguyod ng mura at kiming paggawa.   Binuksan niya ang ating merkado sa malayang paglabas-pasok ng dayuhang kapital na patuloy na humuhuthot at nagsasamantala sa ating lakas paggawa, at nagpapabagsak sa maliliit na lokal na industriya.   

Naniniwala ang Gabriela Women’s Party na kailangang labanan ang malawakang tanggalan at ang pinasahol na pleksibilisasyon ng paggawa. Ipinapanawagan ng kinakatawang ito  ang agarang imbestigasyon sa mga kumpanyang nagtatanggal ng mga manggagawa at nagpapatupad ng mga di-makatarungang polisiya sa paggawa lalo na sa mga Export Processing Zones. Kailangang mabigyan ng kagyat at totoong  ”economic relief” ang mga biktima ng dislokasyon sa trabaho at suportahan ang pagpapadaloy ng lahat ng economic assistance para sa mga manggagawa.

Hindi dapat pasanin ng mga manggagawa lalo na ng kababaihan ang hagupit ng pandaigdigang krisis pinansyal.  Dapat gumawa ng mapagpasiyang aksyon ang pamahalaan upang isalba at protektahan ang mga trabaho.  Hinihiling din ng mga manggagawa na ibasura ang DOLE Advisory No. 2,  at lumikha ng mga trabahong nagdudulot ng nakakabuhay na sahod. Alisin ang E-VAT sapagkat ito ay dagdag na pahirap sa mamamayan. Ilagay ang badyet sa mga serbisyo at hindi sa utang panlabas, at ihinto ang panunupil at paninikil sa karapatan ng mga mangagawa.

Higit sa lahat, kailangan nating itaguyod at isulong ang pambansang industriyalisasyon at ang tunay na reporma sa lupa sapagkat ito lamang ang magtitiyak ng tunay na pag-unlad ng ating ekonomiya.  Ito ang magtitiyak ng disenteng trabaho at nakabubuhay na sahod sa mga manggagagawa lalo na sa mga kababaihan.

Ginoong Speaker, napapanahon na upang itaas ang sahod ng mga manggagawa. Matagal nang nakabinbin ang panawagang P125 across the board wage increase para sa mga manggagawa ng pribadong sektor, at P3,000 naman para sa mga kawani ng gobyerno. Ang di pagpapatupad nito at ang patuloy na pagkakait sa mga manggagawa ng kanilang mga karapatan ay isang malaking paglabag sa ating Saligang Batas at mortal na kasalanan sa ating mga manggagawa.

Ginoong  Speaker, sa halip na Cha-Cha ang ating atupagin, hindi ba’t mas mabigat na usapin ang ikabubuhay at seguridad sa trabaho ng mga manggagawa at ang buhay ng milyong-milyong bibig na umaasa sa kanila?  Ang patuloy nating pananahimik sa mga usapin ng manggagawa ay isang malaking paglabag sa ating tungkulin imbestigahan ang nagaganap sa kanila.  Sa harap ng pangdaigdigang krisis sa ekonomiya, inaasahan ng mga manggagawa lalo ng mga kababaihan na bibigyang pansin natin ang kanilang kalagayan.  

Ginoong Speaker, ang mga usaping nabanggit ay nangangailangan ng kagyat na pagtugon ng kapulungang ito. Basagin natin ang ating katahimikan sa mga usapin at hinaing ng mga manggagawa. Dinggin natin ang kanilang karaingan at kahilingan! Uring Manggagawa, uring mapagpalaya. Maraming salamat at magandang gabi.