Sex-for-flight, bentahan ng Pinay DH talamak pa din sa Saudi – Gabriela partylist

Mon, 10/17/2016 - 18:43 -- gwp_prop

17 October 2016 - Parang mga aliping binebenta ang mga Pilipinang domestic workers sa pagitan ng mga amo sa kaharian ng Saudi Arabia, isa sa mga pinag-uugatan ng maraming trahedyang nararanasan ng mga inabusong OFW, ayon sa Gabriela Women’s Party at Migrante International.

Sa isang privilege speech ngayon ni Gabriela Congresswoman Emmi De Jesus, naibunyag na hindi pa naampat ang mga abusong nalalasap ng mga Pinay na domestic sa kamay ng mga malulupit na amo katulad ng panggagahasa, pananakit, pagkakait ng tamang sahod, oras ng pahinga at pati pagkain at tubig at hiniling niya sa administrasyon ni Pangulong Duterte na patindihin pa ang aksyon na sagipin ang mga migranteng Pinay at magsagawa na ng local employment programs para hindi na makipagsapalaran pa ang ating kababaihan sa tiyak na kapahamakan na malimit nauuwi sa kamatayan.

Ayon pa kay De Jesus na siya ding vice-chaiperson ng House Committee on Overseas Workers’ Affairs, hindi pa din nabubuwag ang mga sindikato ng mga labor attaché at mga tauhan ng Philippine Overseas Labor Office sa Riyadh at Jeddah na sa halip na tumulong sa mga OFWs na tumakas sa kanilang malulupit na amo na makauwi kaagad ay pinapatagal pa ang kanilang pananatili sa shelter facilities na Bahay Kalinga para gahasain o di kaya ay ibugaw sa mga Pinoy at foreigner sa naturang bansa. Magugunita na noong 2013 ay ginisa sa Kongreso ang mga attaché at kawani ng Department of Foreign Affairs dahil sa maraming kaso ng kalaswaan at pangmomolestiya na isinampa sa kanila ng mga nabiktimang OFWs.

May 20 OFWs ngayon ang tinutulungan ng Migrante International dahil sa iregularidad ng isang Rejoice Employment International Corp. na siyang nagrekrut at nagpadeploy ng mga OFWs dito sa Manila patungo sa Saudi. Ayon sa ilang salaysay, may mga kaso pa kung saan ang mga nadeploy na domestic workers ay bigla na lang “ibebenta” na parang kalakal sa ibang employer sa ibang siyudad na hindi ayon sa kontrata.

Matapos hindi tumupad sa nakontratang pasahod at working conditions, magsisimula ang abuso hanggang mapilitang tumakas at bumalik sa Pilipinas ang workers, at sobrang hirap ang makuha ang tugon sa Rejoice kapag hinabol na nila ng asunto ang agency. Matagal na umano nanawagan ang Migrante sa Philippine Overseas Employment Agency na ipasara na ang Rejoice nguni’t nagtataka ang mga biktima na hindi ito ginagawa ng kaukulang departamento.