PRIVILEGE SPEECH: Gabriela Women's Party on the 25th Anniversary of the UN Convention on the Rights of the Child

Mon, 11/24/2014 - 00:00 -- gwp_prop

PRIVILEGE SPEECH
November 24, 2014
Representative Emmi A. De Jesus
Gabriela Women’s Party

Nagdiwang ng ika-25 kaarawan ang United Nations Convention on the Rights of the Child UNCRC noong Nobyembre 20. Ilan sa mga payak na pag-alaala natin dito sa Kamara ay kinabilangan ng mga simbolikong pagsaludo sa kabayanihan ng mga kabataan at sa mga tagapagtanggol ng kanilang mga karapatang nakalista sa UNCRC.

Sa tulong ng Committee on the National Cultural Communities sa pangunguna ng chairperson nito na si Congresswoman Nancy Catamco, nailunsad natin ang Og Puron Iskwela, isang legislative forum at photo exhibit bilang bahagi ng kampanyang Save Our School (SOS) . Mismong mga mag-aaral ng Salugpongan Ta’Tanu Igkanogon Community Learning Center ang nagpahayag ng kanilang kahilingan para sa mga kabataang Manobo sa Talaingod, Davao Del Norte.

Kasabay nito ang “A Journey: The Challenges of #SavePCMC” photo exhibit na matagumpay na nailunsad sa ngalan ng Committee on the Welfare of Children sa pamumuno ni Congresswoman Aurora Cerilles, at ng iba’t ibang organisasyong bumubuo ng SavePCMC. Sa pamamagitan ng mga larawan, ipinapahayag ang inabot na laban ng Philippine Children’s Medical Center para sa pananatili sa kasalukuyan nitong kinalalagyan. Kinilala rin at binigyang-pugay sa maikling programa ang kanyang pamunuan, kawani, at pasyente na nagkaisa para ipaglaban ang karapatan ng PCMC na maglingkod sa maralitang kabataan at labanan ang Public Private Partnership.

\Sa araw na ito, isang photo exhibit ang binuksan sa pagtataguyod muli ng Committee on the Welfare of Children kaugnay naman ng epekto ng kalamidad sa mga bata.
Maliliit na hakbang ito sa loob ng Kongreso bilang paggunita sa mga pandaigdigang kasulatan na nagsusulong ng mga karapatan ng bata. Ngunit hindi nito mabubura ang masakit na katotohanan na hanggang sa kasalukuyang administrasyon ni Pangulong Aquino, patuloy ang pagtaas ng bilang ng maramihang paglabag sa batayang karapatan ng 40 milyong batang Pilipino na direktang resulta ng kahirapang dulot ng mga patakarang neoliberal, na bumabasag sa anumang pahayag nito na tumatalima ang gobyerno sa nilagdaang UNCRC.

Hindi maitatago ng datos sa employment figures ng NEDA at NSO ang papalalang disempleyo na nagtutulak sa mga batang sumanib sa work force bilang child labourers. Batay sa pagtataya ng International Labor Organization, may 5 hanggang 6 na milyong kabataan ang naghahanapbuhay, at kalahati nito ay kasangkot sa tinatawag na hazardous work. Itinulak ng kontraktuwalisasyon, tanggalan sa trabaho at ng ipinatupad ng DOLE na two-tiered wages ang maraming pamilya sa kahirapan. Sinabayan pa ito ng malawakang demolisyon at pagpapalayas sa maralitang pamilya sa kalunsuran, at maramihang relokasyon sa mga death zone sites na sinasalanta ng kalamidad at kawalan ng hanapbuhay. Sa halip na disenteng pabahay, ospital at trabahong may nakabubuhay na sahod, ang ipinangtatapal na konswelo ay ang CCT o Pantawid Pamilya Pilipino Program na hindi nakasasapat sa pangangailangan. Sa kabila ng ipinagmamalaking tagumpay daw ng CCT para mabawasan ang kahirapan, sinabi mismo ng Philippine Institute for Development Studies na may 13.4 million na bata, kalakhan ay nasa kanayunan, ang nabubuhay sa kahirapan.

Sa larangan ng kalusugan, nananatili sa 20% ang prevalence ng underweight na batang mababa sa limang taon, at bansot o stunted growth ang isa sa bawat tatlong bata. Nananatili sa 220 per 100,000 births ang infant mortality. Sa harap ng ganitong kalalang sitwasyon ng kalusugan, nagmalaki pa ang rehimeng Aquino na may 83.7 billion para umano sa DOH budget para sa 2014, ngunit 42% nito ay nilamon na ng Philhealth, at 20% lang inilaan ang para sa mga ospital na mabilis na nalalagasan na ng gamit at gamot. Patuloy pa ring matinding atake sa mga batang nasa pamilyang mahihirap ang kawalan ng libre at kagyat na serbisyo sa mga ospital dahil sa patuloy na pagtutulak ng patakarang pribatisasyon ng kasalukuyang gobyerno ni Pang. Aquino.

Ang kalagayan sa isang rescue center sa Maynila na naging tampok sa balita noong nakaraang lingo sa ilalim ng Sagip Program ay pumukaw sa kamalayan ng publiko at ng media. Sa pamamagitan ng larawan ng isang menor de edad, na itinago sa pangalang “Frederico,” nakita ang isang kalunus-lunos na sitwasyon sa isang rescue center. Kung gayon, marapat lamang na bigyang-pansin ang katumpakan ng mga programa ng estado at kagyat na iligtas ang mga kabataang malamang na nasa katulad ni “Frederico” sa iba pang rescue centers. Sa halip na mauwi lamang sa pagtuturuan kung sino ang mananagot para sa mga kasong katulad nito, pinakamainam nang gawin ng Kongresong ito ang pagtitiyak ng sapat at angkop na budget para sa mga pasilidad na naglilingkod sa mga kabataan.

Sa ilalim ng Oplan Bayanihan, ang mga bata ay hindi na lamang collateral damage, kundi sila ay direktang target na ng atake ng Armed Forces of the Philippines,Philippine National Police at mga grupong paramilitary. Nakapagtala ang NGO na Children’s Rehabilitation Center ng 18 kaso ng extra-judicial killings, 30 tangkang pagpatay, 19 illegal na pag-aresto at pagkulong, 19 kaso ng torture and 4 na insidente ng rape at sexual harassment. Dumadami na din ang bilang ng mga batang binabansagang child soldiers at sapilitang nirerekluta na maging giya sa combat operations ng military.

Ang budget allocation na 318.9 bilyong piso para sa education sector ay tunay na kapos sa kinakailangang 20% ng national budget batay sa rekomendasyon ng United Nations Educational, Scientific and Cultural Organization (Unesco), at ito ay 2.6 percent of GDP, na wala pa sa kalahati ng 6% ng GDP. Ang palagiang alibi ay kawalan ng pondo sa kabila ng mga pondong hanggang ngayon ay hindi pa tapos imbestigahan kung paano ginamit. Ang kakulangan ng panggastos ay ilalako din sa pribadong kapital sa anyo ng Public Private Partnerships. Pagsuko ito ng responsibilidad ng Estado na magbigay ng libreng edukasyon sa kabataan, kaya ang pagtatayo ng bagong silid aralan ay ilalako na sa mga private contractors. Dahil sa lumalalang overcrowding at kakulangan ng public schools, ipinagtutulakan na din ng DepEd ang mga kabataan sa pribadong paaralan sa programang GASTPE, para ilipat ang magastos na tuition sa pamilyang maralita. Muli, malinaw na maraming mahihirap na kabataan ang patuloy na pinagkakaitan ng right to education.

Marami pang mga datos na lantad o di-lantad ang maaari pang banggitin na laban sa pagkakamit ng karapatan ng mga bata kung saan may malaking pananagutan ang estado. Ang ilang nabanggit ay hinalaw lamang ng representasyong ito mula sa mga ulat ng ating mga children and women’s rights advocates na isinusumite sa iba’t ibang larangan local man o pandaigdigan. Ang United Nations Convention on the Rights of the Child ay na nilagdaan at niratipika ng ating pamahalaan sa loob ng 24 na taon ay maaaring magsilbing gabay lamang sa pagtitiyak ng karapatan at kagalingan ng mga bata. Nguni’t katulad ng iba pang kasulatan, ito ay nagiging palamuti na lamang kung ang mismong lokal na estado ang nagiging kasapangkapan para sa paglabag sa mga probisyong kanyang kinilala.

Ang Kongresong ito ay nahaharap sa patuloy na hamon paano ang pagsagip sa mga batang inaapi at pinagsasamantalahan. Ang mga pag-asa ng bayan ay nangangailangan ng matibay na pundasyon para sa pagtatatag ng maayos na bukas. Ang mga batang namulat mismo sa dahas ng digma at kahirapan ang ngayon ay sumasanib sa malawak na kilusang masa para baguhin ang kanilang kalagayan. Nakikita natin sila sa mga pinabayaang evacuation center sa Tacloban at Zamboanga, na kasama ng kanilang mga magulang, ay naniningil sa kriminal na pagpapabaya sa kanilang kalagayan. Patuloy ang paglawak ng mga organisasyong tulad ng mga kabataang Manobo sa Talaingod para ipagtanggol ang kanilang mga paaralang katutubo at bukirin laban sa mining interest na pumapasok sa Davao. Hindi sila maghihintay para sila ay sagipin ng mga sinasabing conventions o human rights documents. Sila mismo ang magpapatunay na sila ang pag-asa ng ating inang bayan.

Magandang gabi.

Attachment: 
Legislation Type: