PRIVILEGE SPEECH: Disenteng Pabahay: Karapatan ng Mamamayan, Responsibilidad ng Pamahalaan

Wed, 09/29/2010 - 05:42 -- gwp_prop

Privilege Speech
Rep. Emmi De Jesus
20 September 2010

Ang representasyong ito ay nagpapahayag ngayon bilang tinig na kumakatawan sa Gabriela Women’s Party, pangunahing dala ang tinig ng mga nanay, kababaihan, kabataan, at mga bata mula sa iba’t ibang maralitang komunidad na aming nakahalubilo, nakausap at kasama sa pangarap na magkaroon ng isang lipunang tunay na makatao at kumikilala sa katarungang panlipunan. Isang lipunang nangangalaga at nagtataguyod sa mga karapatan at dignidad ng lahat lalo na ang pinakamaliliit nating kababayan.

Itinala namin ang paninindigang ito nang binalangkas namin ang aming agenda para sa bagong pamahalaang Noynoy Aquino na ipaglaban sa kongreso ang sapat na serbisyong panlipunan na tunay na kakalinga sa mga kababaihan at bata. Isang kongkretong itutulak namin sa bulwagan ng kongreso ang pagtitiyak sa paglalaan ng pinakamalaking badyet para sa edukasyon, kalusugan at pabahay habang binabantayan kung ito nga ay nakakaabot sa mga maralitang pamilya at hindi sa kamay ng iilan.

Anim na araw bago natin gunitain ang trahedyang iniwan nina Ondoy at Pepeng, bibigyang-pansin ko ang usaping malapit sa puso ng bawat ina, isang usaping nakagawian nang ipabahala sa mga ama, ngunit sa katotohanan ay mahigpit na katuwang ang mga ina at babae dahil kami ay kasama sa pagtataguyod ng tahanan.

Ang wastong pag-aaruga nang mga anak at nang buong pamilya ay isang responsibilidad na napakabigat para sa mga maralitang pamilya na ang iniisip para sa kanilang mga anak ay isang ligtas na kapaligiran at mga pangangailangang tutugon sa pag-unlad ng kanilang mga anak upang maging mga mabuting mamamayan. Ngunit alam nating kabalintunaan ang nagaganap sa kanila dahil sa matinding problema sa pabahay at kabuhayan, laganap ang mga pamilyang lalong nasasadlak sa busabos na kalagayan. Maraming ina ngayon ang lagi nang ligalig ang pag-iisip at walang kapayapaan sa damdamin dahil hindi tiyak kung bukas ay mayroon pa silang matitirahan.

Nagsagawa ang representasyong ito ng pangangalap ng mga buhay na karanasan ng ating mga maralitang pamilya sa pamamagitan ng mga konsultasyon, pagbisita at pakikipanayam sa mga maralitang pamilya sa iba’t ibang lugar sa kalakhang Maynila at kanugnog na mga lugar upang higit na patalasin ang pag-unawa sa iba’t ibang kasong kinakaharap ng ating maralitang kababayan sa isyu ng pabahay. Tunay na napakalawak ng usaping ito at mangangailangan ito nang seryoso at masusing pag-aaral upang maging lubos ang pagtugon sa mga problemang kinakaharap ng mga maralitang komunidad.

Binabalikan ko ang kolektibong pansin nating lahat sa usaping ito dahil bilang mga mambabatas, malaki ang ating responsibilidad na wakasan na ang mga programang pabahay ng gubyerno para sa mga maralita na nagbibigay-puwang sa mga pribadong mamumuhunan at negosyante para makakamal ng malaking tubo. Malaki ang ating responsibilidad na dalhin ang usaping pabahay at katiyakan sa paninirahan sa matuwid na landas bilang pagkilala natin sa karapatan ng ating mga kababayan sa maayos at ligtas na pabahay. Ang mga karapatang ito na kinikilala rin at isinasaad sa Saligang Batas ng Pilipinas at ng iba pang mga pandaigdigang kasunduan.

Itinatakda ng Article II Section 11 ng 1987 Saligang Batas ng Pilipinas ang pagpapahalaga sa dignidad ng bawat mamamayan at tinitiyak nito ang buong respeto sa mga karapatang pantao. Itinakda naman ng Article XIII Section 9 ang pagtitiyak sa murang pabahay para sa mahihirap: The State shall, by law, and for the common good, undertake, in cooperation with the private sector, a continuing program of urban land reform and housing which will make available at affordable cost decent housing and basic services to the underpriveleged and homeless citizens in urban centers and resettlement areas. It shall also promote adequate employment opportunities to such citizens.

Bilang dagdag, sinasabi rin ng United Nations International Covenant on Economic, Social and Cultural Rights na ang sapilitang ebiksyon ng mga pamilya o indibidwal sa mga lugar na tinitirahan nila, nang walang anumang tulong na legal o proteksyon, ay tahasang paglabag sa kasunduang ito.

The right to adequate housing is the right to live somewhere in security, peace and dignity. It requires adequate privacy, adequate space, adequate security, adequate lighting and ventilation, adequate basic infrastructure and adequate location with regard to work and basic facilities - all at a reasonable cost. Parties must ensure security of tenure and that access is free of discrimination, and progressively works to eliminate homelessness. Forced evictions, defined as "the permanent or temporary removal against their will of individuals, families and/or communities from the homes and/or land which they occupy, without the provision of, and access to, appropriate forms of legal or other protection", are a prima facie violation of the Covenant.

Sa kasalakuyang karanasan ng ating mga maralitang tagalungsod, ang mga batas na ito na kumikilala at nagpoprotekta sa kanilang mga karapatan bilang mga mamamayan at tao, ay nawawalan ng saysay dahil sa patuloy na demolisyon at pagpapalipat sa kanila sa mga lugar na hindi nakakatugon sa kanilang mga batayang pangangailangan upang sila ay maging mga produktibong kasapi ng lipunan, at upang maramdaman nila na gaano man sila kaliit, ay may halaga pa rin sila sa lipunang ito, hindi lamang bilang mga botante, kundi lalo't higit bilang mga tao at mamamayang Pilipino.

Naging centerpiece program ng ilang mga nakaraang administrasyon ang mga programang pabahay para sa maralitang tagalungsod – mula sa mga tenement housing sa Vitas, Tondo hanggang sa mga relocation sites sa Towerville at Northville sa Bulacan, Southville sa Calauan, at sa iba pang mga relocation sites sa buong bansa.

Kung bubusisiin natin nang husto ang mga proyektong pabahay na ito, makikita natin na ang mga ito ay hindi tunay na tumutugon sa pangangailangan ng mga maralitang tagalungsod. Ang masaklap pa, ginawa itong negosyo ng mga pribadong mamumuhunan sa pabahay sa tulong ng ilang ahensya ng pamahalaan kaya naman sa halip na mabawasan ang problema sa pabahay ng mga maralitang tagalunsod, lalo pa itong bumibigat dahil sa nagkakapatong-patong na utang na ang iba ay umaabot sa mahigit sa isang milyon para sa isang bahay na hindi naman natin halos matatawag na bahay dahil sa napakababang kalidad ng mga ito.

Nais kong bigyang-diin na ang mga maralitang tagalungsod na nakatira sa mga relocation sites ay hindi kumikita ng sapat upang matugunan ang kanilang mga batayang pangangailangan, at ang napakabigat na dalahing ito ay lalo pang pinabibigat ng mataas na bayarin sa mga pabahay.

Nais kong ibahagi sa inyo ang isang maikling video ng mga relocatees sa Calauan, Laguna at narito ang panayam na nakuha namin noong Setyembre 12, 2010. Kalakhan sa aming nakausap ay mga relocatees na nanggaling sa Floodway, Pasig na naging biktima ng Ondoy. Noong sinalanta ng bagyong Basyang ang Timog Katagalugan ngayong taong ito, may mga bahay na nagliparan ang mga bubong at labis-labis ang pangamba ng mga relocatees na baka magkaroon ng malawakang landslides. Makikita rin po ninyo sa video ang larawan ng mga b ahay na pinaglipatan sa kanila at mapapakinggan natin ang ilan lamang sa mga problemang kinakaharap nila. Ito ang dahilan kung bakit ang mga naiwan pang naninirahan sa Floodway ay takot na mailipat sa mga relocation site.

Ang Towerville naman na nasa San Jose Del Monte, Bulacan, ay naging relocation site rin ng mga pamilyang biktima ng bagyong Ondoy. Sa December 2009 report ng DSWD, 306 pamilya mula sa Bagong Silangan, Batasan Hills, at Tatalon, ang inilipat sa Towerville ilang araw matapos ang trahedya. Sinabi naman ng HUDCC na nagkaroon agad ng 232 pabahay para sa mga biktima ng bagyo at 123 dito ang ginawa sa Towerville. Ngunit hanggang sa kasalukuyan, hindi sapat ang mga batayang serbisyo sa relokasyong ito tulad ng tubig, paaralan at ospital. Bukod pa dito, napakalayo ng Towerville sa kanilang hanapbuhay.

Kailangan ng isang karaniwang manggagawa ang halagang 100 - 200 pesos upang makarating sa Quezon City at makabalik sa Towerville para sa kanyang hanapbuhay. Mapalad na kung sumasahod ang mga manggagagawang ito ng minimum P420, dahil marami sa kanila ay mga namamasukan din sa mga di-tiyak ang sahod katulad ng konstruksyon. Kung ibabawas dito ang kanyang araw-araw na gastusin sa pamasahe, pagkain ng kanyang pamilya, at mga gastusin ng mga anak na nag-aaral, paano pa nila mababayaran ang amortisasyon sa sinasabing murang pabahay na ito.

Ang Northville sa Malolos, Bulacan na kalakhan ay relocatees para sa mga pamilyang apektado ng Northrail-Southrail Linkage Project ay nahaharap naman sa problema ng kawalan ng malinis na tubig. Hindi maayos ang drainage at water supply system na ikinababahala ng mga residente. Naobserbahan namin na ang pipeline ng supply ng tubig ay nasa loob ng drainage. Paano na lamang kung magkaroon ng leak na makakakontamina sa tubig?

Ilalatag ko rin po sa inyo ang kaso ng Katuparan Housing Project sa Vitas, Tondo. May sukat itong 2.5 ektarya at sinimulang i-develop noong Marso 21, 1990. Mayroong itong 731 units na nasa 27 gusaling may tig-aapat na palapag. Inilipat ng National Housing Authority (NHA) sa National Home Mortgage Finance Corporation (NHMFC) ang pamamahala ng karamihan sa mga sa mga pabahay dito. Ibig sabihin, ang NHMFC na ang mamamahala sa pagpapatira dito, pag-aapply ng unit, hanggang sa paniningil. Ayon sa NHA, ang mga nakatira sa pabahay na ito ay mga pamilyang na-demolish sa galing sa mga kabahayang nasa mga gilid ng Philippine Ports Authority, San Andres, Malate, Cristobal, Paco at Del Pan sa panahon ni dating Pangulong Ramos. Ang pabahay na ito ay relocation site rin para sa mga nanggaling sa Smokey Mountain. Karamihan sa mga naninirahan ngayon Katuparan Housing Project ay mga nagkakalahig ng basura, mga nagtitinda, at mangilan-ngilang mga empleyadong nakakontrata.

Sa kabila ng uri ng kanilang kabuhayan, kinakailangan nilang magbayad ng P750 – P2,500 kada buwan sa loob ng 30 taon. Bagama’t hirap sila sa pag-iipon ng kinakailangang halaga, ginagawa nila ang buo nila makakaya upang makapagtabi ng pambayad. Ngunit dahil sa kahirapan, maraming mga pagkakataon na hindi nila nababayaran ng sapat ang buwanang upa na nagreresulta naman sa pagpatong ng multa sa mga buwanang bayarin. Sa isang sarbey na ginawa ng Samahanan ng mga Kababaihang Nagkakaisa (SAMAKANA), ang pinakamababang utang ng mga naninirahan sa Katuparan Housing ay nasa 100,000.00 at ang pinakamalaking utang ay umabot na sa 1 milyon. Sa kanilang kalagayang maaari nating mailarawang mahirap pa sa daga, paano pa nga ba nila mababayaran ang ganito kalaking utang? Ang mga pamilyang ito ay nabigyan na ng Notice of Disclosure noong Hulyo 2010 na ang deadline ay Setyembre 15, 2010, kaya nakaharap na naman sila sa panibagong problema ng dislokasyon.

Para sa kanilang kinakaharap na problemang ito na posibleng magresulta sa dislokasyon, inialok ng pamahalaan ang condonation batay sa RA9507 bilang restructuring program sa pagbabayad ng kanilang utang. Sinasabi ng condonation program na aalisin ang 5-10% sa naipong interes ng kanilang utang. Pagkatapos, ipapasok sila sa isang panibagong kontrata na mayroon pa ring buwanang interes at multa kapag pumalya sa pagbabayad. Ngunit sa pagpapasok sa panibagong kontrata at pagbura sa 5-10% ng naipong interes sa kanilang utang, buburahin na rin ang mga nauna na nilang ibinayad.

Nais pong malaman ng mga maralitang tagalungsod na ito saan pumunta perang naibayad na nila na inaasahan nilang makakabawas na sa kanilang utang sa ahensya. Alalahanin po nating kinakailangan ng mga maralitang residente na kumayod ng higit pa sa kanilang kakayanan at lakas upang kitain ang napakaliit na perang hinahati-hati nila upang mabuhay at makabayad sa pabahay na ito. Ang pagbura sa halagang naibayad nila, gaano man ito kaliit sa sukatan ng mga namumuhunan sa pabahay, ay tahasang pag-agaw sa naipupundar na sana nilang pangarap na mamuhay ng maayos.

Hindi kaya’t sa halip na tunay na matupad ang kanilang pangarap na magkaroon ng katiyakan sa paninirahan sa pamamagitan ng mga programang pabahay ng gubyerno, ang programang ito pa ang siyang magtutulak sa kanila na kumapit sa patalim at suungin ang mga pagkakakitaang higit na wawasak sa kanilang dignidad at pagkatao upang mabawasan ng kahit na kaunti man lang sa kanilang napakabigat na mga pasanin.

Sa ilan pa lamang na mga paglalarawang ito, makikita natin na hindi sapat at hindi naglilingkod sa mahihirap ang mga programang pabahay na inihahain sa mga maralita. Ang walang duda, nakasuporta ito sa mga pribadong namumuhunan sa pabahay, at sa mga negosyong ang pangunahing layunin ay magkamal ng malaking tubo.

Dagdag pa sa pagiging negosyong pabahay, ang problema sa relokasyon ay batbat rin ng patong-patong na usapin katulad ng kawalan o kakulangan ng mga batayang serbisyong panlipunan sa mga relocation site tulad ng tubig, kuryente, sanitasyon, pagamutan at paaralan.

Ang usapin sa kalagayan ng mga maralitang tagalungsod ay hindi lamang ang paglipat sa kanila sa mga relocation sites kundi ang pagpapaunlad sa antas ng kanilang pamumuhay saan man sila mailipat o saan man sila nakatira. Kasama sa pagpapaunlad na ito ang pagbibigay sa kanila ng kabuuang mahusay na serbisyong panlipunan at pagbibigay sa kanila ng pantay na pagkakataong magkaroon ng hanapbuhay na may dignidad.

Isinasatinig ko ang panawagan ng mga maralitang tagalunsod na agarang harapin ang kanilang mga inihahaing problema sa pamamagitan ng :

Pagtitiyak na maisasama sa legislative priority ang mga House Resolutions 208, 341, at 342 dahil hindi ito naisama sa legislative priority ng unang pulong ng Committee on Housing. Nakapaloob dito ang mga kagyat na problemang tinukoy kaugnay ng mga nabanggit na relocation sites

Pag-uulit sa moratorium on demolitions hanggang hindi pa nakakabuo ng makatao at abot kayang programa sa pabahay;

\Mabilisan at walang hadlang na imbestigasyon sa kalagayan ng mga programang pabahay ng pamahalaan sa iba't ibang mga resettlement site, sa kalagayan ng mga naninirahan sa mga relocation site na ito, at sa pondong naibayad na ng mga nakatira sa mga relocation site;

Imbestigasyon sa ugnayan ng NHA at mga pribadong namumuhunan sa pabahay at kung paano nila sinasamantala at pinagtutubuan ang kalagayan ng mga maralita.

Mr. Speaker, mga kapwa ko kinatawan sa kongresong ito na marami ang mga ina, at sa mga ginoong naririto na mga haligi ng tahanan, bibigyang-diin ng representasyong ito ang pagtutulak sa ating kongreso na gawin ang nararapat upang bigyang-kalutasan ang problemang pabahay ng ating mga maralitang kababayan. Hindi ba isang masakit na katotohanan para sa mga ina na tawagin kaming ILAW NG TAHANAN ngunit wala namang tiyak na tahanan? Pag-uwi natin ngayong gabi sa ating payapang mga tahanan, sana'y maisip rin natin kung panatag at ligtas din kayang nakapagpapahinga ang ating mga kababayang kinapos sa serbisyong panlipunan.

Maraming salamat at magandang gabi sa ating lahat.

Legislation Type: