PRIVILEGE SPEECH – Women migrant workers vulnerability

Mon, 10/17/2016 - 17:09 -- gwp_prop

Delivered by Rep. Emmi De Jesus, Gabriela Women’s Party
17 October 2016

I rise today on a matter of personal and collective privilege.

Sa kasalukuyan, libu-libong Pilipino ang araw-araw na umaalis para mangibang-bayan upang maghanapbuhay o sa mas eksaktong salita ay makikipagsapalaran upang makatulong sa pamilya na mabuhay nang maayos at may sapat na mga batayang pangangailangan. Naipon din dito ang libo-libong salaysay ng stranded OFWs na nawalan ng trabaho at hindi makauwi, mga Pinay domestic workers na ginahasa, inalila, at pinatay, mga runaway workers na sa halip na masaklolo sa tinakasang abuso ay nahulog naman sa kuko ng pagsasamantala at kapabayaan ng mga tiwaling kawani ng POLO offices at maging ng DFA.
Sa mga migranteng manggagawang ito, nais bigyang diin ng representasyong ito na higit na bulnerable ang kababaihan na maging biktima ng iba’t ibang anyo ng karahasan.

Tatlong dekada na ang nakaraan nang naging pambansang isyu ang kaso ni Maricris Sioson, isang Pilipina na inuwing bangkay mula sa Japan. Ayon sa ulat, ang ikinamatay daw ay hepatitis na hindi tinaggap ng pamilya kaya’t kanilang pina-imbestiga. Ang resulta ay tunay na nakakagalit sapagkat nakita na maraming tanda ng sexual na pang-aabuso si Maricris. Iba’t ibang kaso rin ng sex-trafficking ang lumapit sa GABRIELA sa loob ng maraming taon at ilan dito ay may mga sangkot pang lokal na opisyal ng gobyerno. Ito ang nagluwal ng isang international campaign ng GABRIELA noong 2000 na ipinakete sa Purple Rose – a campaign against sex-trafficking of Filipino women and children.

Kamakailan lamang, nagtungo ang mga matataas na opisyal ng Department of Labor and Employment at ng Department of Social Welfare and Development sa Saudi para magtangkang bigyan ng kagyat na lunas o first aid katulad ng financial at legal assistance, kasama ang counseling ukol sa mga hinaing ng mahigit 20,000 manggagawa sa KSA na apektado ng iba’t ibang problema. Nakita ng mga opisyal ang sobrang complex nature ng OFW situation doon at nabilad sa media attention ang mga nakakagimbal na personal and collective stories ng tinatawag nating“mga bagong bayani”.

Matagal na din tayong mulat sa mga nasabing paulit-ulit na kasaysayan ng kanilang mga problema salamat sa walang tigil na adbokasya ng Migrante International chapters sa iba’t ibang siyudad sa Gitnang Silangan at ibang panig ng mundo para makuha at maisatinig ang kanilang salaysay, katukin ang mga ahensya ng diplomatic posts sa bansa at kung minsan ay tuwirang maglunsad ng buwis-buhay na rescue missions at bayanihan actions para maitakas, mapakain, magamot, at umalalay sa ilang kaso ng inabusong OFWs.

May mga bagong kaso ng abuso ang ngayon ay binibigyan ng suporta ng Migrante at nangangailangan ng atensyon ng ating pamahalaang nangako ng tunay na pagbabago para sa mamamayan.Ilan sa mga kasong ito ay paglalarawan ng mga kababaihang naging biktima ng karahasan.

Isa dito si Neda Felisilda, 44 anyos may-asawa at anak. Nawalan ng trabaho dahil nagsara ang pinapasukang garments factory sa Cavite, nakipagsapalaran sa Saudi bilang domestic worker noong Marso 2015. Pagkatapos manilbihan ng isang linggo sa orihinal na amo, ibinenta daw siya sa isa pang amo na may malaking mansion na obligado niyang linisin. Dito siya pinakain ng mga panis na tira-tira, at nagkasakit at naospital dulot ng overwork, food poisoning, at malnutrition. Kinausap niya ang kanyang employer para ilagay sa tama ang kanyang working conditions. Sa halip na sagutin ang kanyang mga daing,tatlong ulit siyang nilason na naglagay sa kanya sa bingit ng kamatayan. Ayaw siya payagan ng amo makauwi pero noong Nobyembre dahil sa tulong ng kanyang pamilya ay ginastusan niya ang sariling pagbalik sa Pilipinas.

Si Lorna Macatol naman ay nauna kay Neda nang isang buwan sa deployment sa Saudi. Sa unang buwan maayos ang trato at pasweldo ng kanyang amo, ngunit pagsapit ng sumunod ng buwan, binawasan ang sahod at ang limang palapag ng mansion na may maraming silid ng bawat anak ng malaking pamilya nito ay tiniis niyang araw-araw na linisin. Halos araw-araw ay dalawang oras lamang ang kanyang tulog bukod sa minsan lang sa isang araw ang kanyang pagkain. Nang siya ay nanindigan at kausapin ang kanyang employer para ayusin ang trato nito sa kanya, galit ang naging ganti ng mga ito. Nakaranas siya ng labis na kalupitan nang pinagtulungan siyang buhatin at ikulong nang halos isang oras sa loob ng laundry dryer bilang parusa, hanggang dumugo na ang kanyang ilong. Dito siya nagpasiyang tumakas at humingi ng tulong sa Migrante upang kalampagin ang POEA kaya siya nakauwi noong Setyembre 2015.

Ang hindi pinalad makauwi na buhay ay si Gina Borzula Bodozo, 39 anyos at kapitbahay ni Lorna, na tulad nina Neda at Lorna ay may asawa at anak. Sinabihan siya by text ni Lorna na huwag nang tumuloy sa KSA dahil sa sinapit nitong maltrato. Ngunit marahil tulak ng kahirapan ng buhay ay nagpasiya siyang sumunod at magpadeploy noong Abril 2015. Noong Hulyo, tumawag siya sa kanyang pamilya para isumbong ang dinadanas niyang pagkakasakit dahil sa salat na pagkain at hindi pagpapasweldo ng amo, nang maputol ang kanyang tawag. Ilang tangka ang ginawa ng pamilya niya sa Pilipinas na macontact ang employer at Oktubre 8 lang sila nasagot ng amo na nagkwento na nadulas umano si Gina at naging comatose. Pinauwi ang bangkay ni Gina na tapyas ang anit, wala na ang kaliwang mata at nakatahi ang kanang mata. Ayon sa autopsy report, “probable cause of death was cardiorespiratory arrest due to fall from height.”

Sina Gina, Lorna at Neda ay tatlo lamang sa 20 OFWs na iisa ang recruitment agency dito sa Pilipinas. Batay sa aming panayam sa mga biktima at sa datos na nakuha ng Migrante International, maraming kababaihang tulad nina Neda, Lorna at Gina ang kanilang kliyente sa deployment sa KSA. Anim sa 20 na tinutulungan ng Migrante ay nasa Saudi pa din at hindi makauwi dahil hawak pa ng abusadong employer at nanganganib ngayon ang buhay.

Ilan lamang sila sa mga naghahangad ng katarungan at ngayon ay nakikipagtulungan sa Migrante para usigin ang naturang recruitment agency dahil sa marami nang reklamo sa pag-ugnay ng mga narecruit na domestic workers sa iba’t ibang Saudi-based agencies na kolorum at maraming iregularidad. Sinasampahan na ito ng maraming reklamo at money claims dahil sa nauuwi sa kapahamakan ang mga nadeploy na OFWs, ngunit nagtataka ang Migrante group na sa kabila ng mga ulat at petisyon na inihain sa Rejoice Employment International Corp., patuloy pa din ito sa pagrekrut at pagdeploy ng ating mga kababayan nang hindi pa din nalulutas ang mga kasong pinagdaanan ng mga naging biktima ng pang-aabuso. Sa kaso nina Neda, Lorna at Gina, sila ay naging biktima ng karahasan na maiuugat sa mga mapagsamantalang recruitment agency katulad ng Rejoice.

May mas masaklap ding salaysay ng mga kababaihang biktima o kamuntik nang maging biktima ng pagsasamantala ng mga opisyal ng Philippine Overseas Labor Office o POLO. Sariwa pa sa ating gunita noong 2013 lang, naging tampok na iskandalo sa mga pagdinig sa Kamara at Senado ang mga pangalan ng isang assistant labor attache at labor attache sa Riyadh POLO sa pagkakasangkot sa naulat na palitang sex-for-flight deals kung saan iniipit ang mga runaway maids sa Bahay Kalinga na inakalang takbuhan sana ng mga inabusong OFWs. Marapat na alamin kung patuloy pa ding nagaganap ang sex-for-repatriation sa mga kababaihang humihingi ng tulong. Sa halip na dagling ma-repatriate ang mga takas, iniipit ang kanilang travel papers o sadyang hindi binibigyan ng legal aid habang naglulubid ng alibi na red tape at sila ay kumapit sa patalim, hanggang aalukin ng tiket pauwi sa Pilipinas kapalit ang sexual favors kung hindi sa mismong mga opisyal na Pinoy o ilako sa mga kliyenteng nationals ng host country.

Sina Gina, Lorna, Neda at marami pang kababaihang OFW ay ginawang bulnerable sa karahasan ng ekonomiyang atrasado, pinagkaitan ng mas magandang oportunidad dito sa Pilipinas. Patuloy na kontrolado pa rin ng iilang haciendero at oligarkiya ang lupain at mga empresang hindi nakapagbibigay ng katiyakan sa trabaho at pasweldong nakabubuhay. Marami ring mga teachers, call center agents, at mga empleyado ng mga maliit na pagawaan na nagsara dahil sa lugmok na ekonomiya ang patuloy na naghahanap ng trabaho sa ibang bayan. Ang gutom ng pamilya ang nagtulak sa maraming kababaihan na maniwala sa matamis na alok ng abusadong agency na katulad ng Rejoice sa kabila ng mga naririnig ng panganib at babala.

Malinaw na kapabayaan ng mga ahensya ng gobyerno ang paglabag sa mandato na magtanggol sa kagalingan at magbigay ng saklolo sa ating mga kababayang OFWs. Ayon sa Republic Act No. 8042 o "Migrant Workers and Overseas Filipino Act of 1995" the State shall "afford full protection to labor, local and overseas, organized and unorganized, and promote full employment and equality to all. Toward this end, the State shall provide adequate and timely social, economic and legal services to Filipino migrant workers."Iniuutos naman sa R.A. 10022: Agency-hired workers shall be covered by a compulsory insurance policy to cover, among others, the repatriation cost of the worker when his/her employment is terminated without any valid cause. Kung ang mandatory insurance ay tinitiyak ng batas na ito, bakit patuloy pa din kalakarang sex for repatriation o kailangan pang ikampanya ng fund raising ng mga NGO at kaanak ng OFW ang pagbili sa tiket pauwi?

Nahirang ang representasyong ito na maging vice-chair ng House Committee on Overseas Workers Affairs o COWA, at patuloy na tinatanggap ko ang hamon na isatinig ang pangmatagalang adhikain ng ating OFWs: “TRABAHO SA PINAS, HINDI SA LABAS”. With all due respect sa aking mga kasama dito sa Kamara, mainam naman na may panukala tayong amyenda sa mga administrative policies at mga nauna nang batas na nagbibigay ng proteksyon at serbisyo sa ating OFWs.

Ang mas malaking hamon na kaharap natin ngayon ay ano ang tunay na macroeconomic policy na titiyak na matitigil na ang paulit-ulit, marahas, at magastos na kasasapitan ng libu-libong Pilipino na pumapayag mapadpad sa agos ng human trafficking araw-araw. Maaaring may maliliit tayong tagumpay kung ating matanggal sa tungkulin at mapanagot ang mga umabusong labor attache, ngunit gaya ng salaysay ng mga biktimang aking nakapanayam, may iba lang palang pumalit na personalities. Maipasasara ang mga tiwaling recruitment agencies ngunit marami pa din ang nagsusulputan para pagkakitaan ang desperadong mabibiktima. Sila ay maaari nating obligahin dito muli sa mga investigations in aid of legislation. Maaaring nag-iba lang ng pangalan at titulo ang mga salarin, pero nandoon pa din ang sistemang umaalipin sa ating bulnerableng migranteng kababaihan.

As a matter of personal privilege, sasabihin ko na hindi malayo sa akin ang hinaing ng mga OFWs. Ako mismo ay may mga kapatid na OFWs na pribadong tumutulong sa mga nakakasalumuhang kapwa migrante. Isang kwento mula saaking kapatid sa Hong Kong ang halos hindi nagpatulog sa akin ng ilang araw: isang domestic helper ang lumapit sa kanya isang araw ng Linggo ng kanyang pakikisalamuha sa ating mga kababayan at tinanong siya kung pwede ba raw siyang iyakan. Nalaman ng aking kapatid na bawal sa bahay ng employer nito na umiyak dahil malas daw. Kaya nang malaman niyang namatay ang kanyang anak dahil hindi umabot ang kanyang pinadalang pera para sa gamot nito, kinailangan niyang lumabas ng bahay ng employer upang magdalamhati at umiyak nang umiyak. Maraming incident reports din mula sa Migrante International na umaabot sa aming opisina na tunay namang nakakabahala. Mga kwento ng kababaihang ina, asawa, kapatid, anak na lagi’t laging may iniiwang kurot sa puso.

Anuman ang ating maliliit na pagsisikap, personal, organizational, official o unofficial para tumulong sa mga OFWs, ay mga ambag lamang para sa kagyat na pangangailangan ng ating mga migranteng Pilipino. Sa pangmatagalan, ang kailangan natin ay isang matatag na gobyerno na may ekonomiyang nagsasarili sa lakas ng pambansang industriyalisasyon. Itakwil natin ang pagpapatuloy ng aping kalagayan ng OFWs at ng kanilang iniwang pamilya. Tanawin natin ang isang lipunan na ang pangingibang bayan ay hindi tulak ng kawalan ng oportunidad sa bansa.

Legislation Type: