One Billion Rising 2018: Rise, Resist, Unite!

Tue, 02/13/2018 - 15:20 -- gwp_prop

One Billion Rising 2018: Rise, Resist, Unite!
Privilege Speech
February 12, 2018
Rep. Emmi de Jesus
Gabriela Women's Party

Ginoong Speaker, mga kapwa mambabatas, magandang hapon.

Ngayong buwan ng Pebrero ay muling ginugunita ang One Billion Rising (OBR), isang pandaigdigang kampanya para wakasan ang lahat ng porma ng karahasan laban sa kababaihan. Isa itong makulay na global movement ng kababaihan kung saan ginagamit ang sayaw bilang porma ng protesta para patingkarin ang mga suliranin ng kababaihan at bayan. “One Billion” dahil batay sa estadistika ng United Nations, isa sa bawat tatlong kababaihan ang nakararanas ng pang-aabuso, o isang bilyong kababaihan sa buong mundo. Okasyon ito para basagin ng mga kababaihan ang katahimikan para sama-samang labanan ang karahasan at pagsasamantala sa ilalim ng pandaigdigang sistema na tagapamandila ng gera, abuso at pandarambong.

Sa Pilipinas, nasa ikalimang taon na ngayong 2018 ang One Billion Rising. Nilalahukan ito taun-taon ng libu-libong mga kababaihang manggagawa, pesante, kawani, estudyante, guro at mga propesyunal sa iba't ibang rehiyon. Ngayong taon, partikular na nakatuon ang tema sa pasismo at tiraniya, sa harap ng papatinding mga atake sa demokratikong karapatan ng mga kababaihan at mamamayan: Rise! Resist! Unite! Mahalaga ang pagbangon at paglaban, at higit sa lahat ang pagkakaisa, unite for justice and peace.

Higit na akma ang naturang tema para sa sayaw ng protesta sa harap ng sunud-sunod na talumpati ng Pangulo na tahasang pambabastos at pag-alimura sa mga kababaihan.
Nitong nakaraang Miyerkules, nagkaroon ng meryenda sa Palasyo sa pangunguna ni Pangulong Duterte para sa mga umano'y sumukong rebelde ng New People's Army (NPA). Ngunit hindi lang meryenda ang pinagsaluhan sa okasyon, kundi ang pambabastos na naman sa kababaihan na pinagtawanan pa ng mga nakinig sa talumpati ng Pangulo.

Ginoong Speaker, kapwa mambabatas, siguro hindi ko na kailangang verbatim na i-quote ang sinabi mula sa transcript ng PCOO. Ang kanyang sinabi: "There's a new order coming from mayor. We won't kill you. We will just shoot your vaginas so that..." If there are no vaginas, it would be useless.”

Malinaw sa transcript na kaswal na ipinag-utos ni Pangulong Duterte na barilin sa ari ang mga kababaihang gerilya. Nakakagalit at hindi kailanman magiging katawa-tawa ang ganitong pahayag. Paano ba magiging katawa-tawa ang karahasan laban sa kababaihan? At paano magiging katanggap-tanggap na ang ganitong pahayag ay binigkas sa loob ng Palasyo, mula mismo sa bibig ng isang Pangulo?

Mr. Speaker, fellow members of the House, such remark is very dangerous and alarming, as it openly promotes state violence against women, further contributes to the climate of impunity of women’s rights abuses, and emboldens state forces to commit more violations of international humanitarian law. This elevates state terrorism to a whole new level. Paglalantad ito ng Pangulo sa kanyang sarili bilang isang macho-pasistang lider na natutuwa sa paggamit ng dahas para ipangalandakan ang brutal na pagsupil ng estado sa mga kababaihang lumalaban. Hindi kailanman magiging katwiran ang armadong digmaan para yukaran ang dignidad ng kababaihan.

Gabriela Women’s Party (GWP) cannot just let this extremely foul and un-presidential remark to pass. As we aggressively push, together with our fellow lady legislators, for measures here in the House of Representatives that will uplift the status on women in the social, cultural and political fields, unfortunately we have a President that exactly does the opposite. We have a chief executive that casually and consistently degrades, disrespects and offends women and then reasons out that it is just a piece of presidential humor. Mayroon tayong lider na tagapamandila ng kulturang bulok na lalong naglalaglag sa katayuan ng kababaihan sa ating lipunan. At nakakabahala ang posibilidad na unti-unting nahuhubog ang mga kabataan sa bulok na kultura at estilo ng pamumuno. Papayag ba tayo na magiging biro na lang din ng mga kabataan ang pagbaril sa ari ng kababaihan? Hindi ito ang biro na gusto nating pagtawanan ng mga susunod na henerasyon.

Kung iniisip ng Pangulo na mawawalan ng silbi ang kababaihan sa pagwasak sa kanyang ari, nagkakamali siya. Maling mali na i-reduce ang halaga nating kababaihan sa paggawa ng bata o sa ari. Pinatunayan natin na tayo’y bahagi ng paggawa ng kasaysayan, sa aktibong paglahok sa pag-aalsa laban sa abuso at karahasan at laban sa mga despotikong pinuno na lalong naglalaglag sa antas ng kababaihan. Pinatunayan natin ang ating halaga at kapangyarihan sa maraming antas, sa pagsanib sa laksa-laksang mamamayan.

Sa darating na ika-14 ng Pebrero, muli nating ipapamalas ang pagkakaisa ng kababaihan sa pamamagitan ng kampanyang One Billion Rising (OBR). Libu-libong kababaihan ang sasayaw para kondenahin ang kalagayan ng kababaihan. At sa darating na Marso Otso, Pandaigdigang Araw ng Kababaihan, asahan ng Pangulo ang paghungos sa lansangan ng mas maraming kababaihan para irehistro ang malakas na pagtutol sa pasistang atake ng kasalukuyang rehimen sa mga demokratikong karapatan ng mamamayan at ang tunguhin nitong diktadura.

Ginoong Speaker, ikinagagalak ko na sa pagkakataong ito ay marami-rami ang tao sa plenaryo, at higit sa lahat naririto ang aking mga kasamahan, ang mga lady legislators na tinatawagan ko na maging bahagi ng laban para itaguyod ang karapatan at kagalingan ng kababaihan. Maraming salamat at magandang hapon sa ating lahat. #

Legislation Type: