Katarungan Para sa mga Biktima ng Sunog sa KENTEX

Mon, 05/18/2015 - 18:27 -- gwp_prop

PRIVILEGE SPEECH
Katarungan Para sa mga Biktima ng Sunog sa KENTEX
Kinatawan Emmi De Jesus, Gabriela Women's Party

Hindi pa man naghihilom ang damdamin ng sambayanan sa trahedya sa mga biyuda ng Mamasapano at sa muntikan nang pagbitay sa OFW na si Mary Jane Veloso, isa na namang malagim na trahedya ang naganap, itong pagkasawi ng 72 katao, na karamihan ay kababaihang manggagawa, sa sunog na tumupok sa Kentex Manufacturing Corporation.

Maraming salaysay ang lumabas sa media at social media tungkol sa puno’t dulo ng industrial accident na lagi’t laging nangyayari sa iba’t ibang pagawaan at gusaling itinatayo sa ating bansa. Isang matingkad na ulat ay patungkol sa agad-agad na pagtatangka ng Department of Labor and Employment na palusutin sa responsibilidad ang may-ari ng Kentex. Sa una ay sinabing malinis ang rekord ng DOLE sa paglalabas ng ipinagmamayabang na moda ng inspection sa mga pagawaan sa bansa. Noong Huwebes, idineklara ni Secretary Rosalinda Baldoz na compliant with general labor standards and occupational safety and health standards ang Kentex. May Certificate of Compliance pa umano na iginawad noong Setyembre 2014, bukod pa sa patunay na may safety committee pa na nagpapatupad daw ng safety rules and regulations. Kinaumagahan, tila ibig namang bumawi, matalim ang binitiwang salita ng kalihim na nagsabing “imoral” ang pagpapatakbo ng may-ari sa pabrika, dahil maraming kakadiskubreng diumanong mga nilalabag na patakaran para sa karapatan ng mga manggagawa .

Isa na namang aspeto ng Matuwid na Daan ang nalantad na isang ampaw na programa sa kabila ng mga pagyayabang nito na may pagtalima ang gobyernong Aquino sa serbisyo sa tao, sapagkat ang bawat bigong bunga ay nasusundan ng pagtatakip at pagsisihan sa pagitan mismo ng mga ahensiya ng gobyerno. Nauna nang dumanas ng krisis ang AFP at PNP sa pagtuturuan kung sino ang may pananagutan sa likod ng pagkasawi ng 70 katao sa Mamasapano incident na nasundan kaagad ng paglantad sa publiko ng malaking kakapusan, kung hindi man kawalan, ng aksyon ng Department of Foreign Affairs, na nagsadlak sa death row kay Mary Jane at 90 pang OFWs. Ngayon naman, nagkukumahog ang DOLE sa pag-iimbestiga sa Kentex hindi para sa karapatan at kagalingan ng mga manggagawang nasawi sa trahedya, kung hindi para pagtakpan ang responsibilidad at sagipin ang sariling mga patakaran at programang nagbunga ng napakasaklap na trahedya ng “KENTEX 72” victims.

Kaagad nagsadya ang inyong lingkod bilang kinatawan ng Gabriela sa pagawaan ng Kentex sa Valenzuela para samahan ang iba’t ibang people’s organizations at NGOs na mag-alay ng dasal at pakikiramay. Layon din na makibahagi sa pagkalap ng mga ulat mula sa mga kaanak ng mga namatay, at ibukas ang serbisyo ng aming partido sa psycho-social counselling para sa mga naulila.

Ginoong Speaker, mga kasamahan dito sa Kamara, hanggang ngayon ay puno pa rin ako ng dalamhati at galit dulot ng nakita, narinig at madamang mga panangis at daing ng mga naulilang magulang, anak, asawa at kaibigan ng mga namatay na manggagawa ng Kentex. Sa misa kahapon na alay sa mga biktima, nakiisa ako hindi bilang isang congresswoman, kundi bilang isa ding babae, ina, at kapatid na nakaranas na mawalan ng mahal na buhay, hindi man sa isang trahedya, ay sadyang masakit. Ang biglaaang mawalan ng mahal sa buhay sa isang malagim na trahedya ay lubhang mas mabigat at masakit na pakiramdam, nawalan ka pa ng katuwang sa buhay. Sabihin ko mang nauunawaan ko ang kanilang nadarama hindi ko pa rin masasabi kung ano ang totoo nilang saloobin gayong sa kasalukuyang ay wala silang makitang liwanag at kalutasan sa mga problemang sabay-sabay na dumating sa kanilang buhay.

Kinikilala ko ang maagap na pagkilos ng Kilusang Mayo Uno at Institute for Occupational Health and Safety Development o IOHSAD, sadyang malaki ang naitulong nila sa pakikiisa sa kapwa nila manggagawa ganoong din sa pagkuha ng mahahalagang datos sa kalagayan ng manggagawa sa Kentex na noon pa mang nabubuhay sila ay kadusta-dusta na ang kalagayan at ngayon ay lalo pang nahaharap sa matinding krisis dulot ng kawalan ng katuwang para mabuhay.

Hayaan ninyong ibahagi ko ang mga sanaysay na sama-sama naming nakuha. Isa si Carla Tejada sa mga namatay. Si Carla ay 19 anyos na babae na pitong buwang buntis. Madali sana ang pagkakakilanlan sa kanya pero hindi maiuwi ng kanyang kaanak ang kanyang bangkay dahil hindi lang si Carla ang buntis na nasawi sa sunog sa Kentex, may tatlo pang ibang buntis sa mga nasawi. May apat na sanggol na nasa sinapupunan ang namatay sa sunog sa Kentex.

Si Marietta Madiclom naman ay 50 anyos na ang edad at 15 taon nang nagtatrabaho sa Kentex hindi bilang regular o kontraktwal na manggagawa kung hindi bilang isang manggagawang pakyawan. Inuulit ko, nagtrabaho sa Kentex ng 15 taon pero regular na manggagawa. Noong buhay pa siya, ayon sa kanyang anak, idinadaing na niya ng paninikip ng dibdib pero ayaw niyang umalis sa trabaho dahil nanghihinayang na di makatatanggap ng anumang benepisyo. May dalawa siyang kapatid na namatay din sa sunog, sina Myrna, 46 years old, at Joanna Marie, 27.

Katulad ni Marietta, si Jilyn Cabatong, 33 anyos, ay isang ring manggagawang pakyawan na may 13 taon na ding namasukan sa Kentex. Bagama’t single at nag-iisang babae sa limang magkakapatid, nakipagsapalaran sa Maynila si Jilyn hindi para sa sarili kung hindi para mag-ipon at maipagawa ang bahay ang kanyang ama sa Cebu.

Katulad naman si Jilyn ay at nagtrabaho din ang 23 anyos na si Jessie Falalimpa sa Kentex para maipagawa ang bahay ng kanyang mga magulang. Personal na dumulog sa akin ang mga kapatid ni Jessie. Biktima ng Yolanda ang pamilya ni Jessie at dahil sa mahirap na buhay matapos wasakin ng bagyong Yolanda ang kanilang bahay at kabuhayan, napilitan siyang makipagsapalaran sa Maynila. Ang tanong ng mga kapatid ni Jessie, paano na daw maiuuwi ang bangkay ng kanilang kapatid ngayong kasama siyang nakalibing ng maraming nasawi, at tanging numero na lamang ang pagkakakilanlan sa bawat bangkay? Umiiyak ang nanay at tatay ni Jessie at nagsusumamo na matulungan silang makilala at mabigyan ng disenteng libing si Jessie, anuman ang natira sa labi ng kanilang anak.

Marahil nabasa na ng marami ang mga teknikal na salaysay na naglabasan sa media kung paano kumalat ang apoy mula sa pagsabog ng kemikal na maling nakaimbak at ang patong-patong na paglabag sa safety standards na para na ring siyang nagtiyak na makukulong at mamamatay ang mga biktima. Hindi lang ito isang sanaysay, nakumpirma ito sa Fact-Finding Mission ng KMU at IOHSAD. Tinalo pa ng gusaling nasunog ang bilangguan na bukod pa sa kawalan ng fire exit, fire drills, at wastong pag-imbak ng mga materyales ay balot na balot ng grills at chicken wire. Kung sasalain natin ang nakita sa fact-finding mission, magigimbal tayo sa pagkakahalintulad nito sa mga pagawaan na death traps sa panahon ng 1800s. Hindi po nagbabago ang kalagayan ng pagawaan matapos ang daang taon na pag-usad ng kasaysayan ng pamumuhunan sa iba’t-ibang panig ng mundo.

Noong Marso 1911, 146 ang namatay sa Triangle Shirtwaist Company, isang pagawaan sa New York City. Katulad sa sunog ng Kentex, sila ay nakulong sa ika-9 na palapag na may kandado sa fire exits. Sa Bangladesh, 123 na pawang mga kababaihan ang nakulong at nasunog sa Tazreen Fashions factory na wala ding fire exit. Sa kabila ng pagpupustura ng mga fashion corporations sa Amerika at Europa na gagamitin nila na political pressure ang industriya ng garments sa Bangladesh, ang 4,500 planta na katulad ng Tazreen ay nananatiling siksikan sa manggagawa, wala sa standard ang electrical wiring, at namimiligrong mag-collapse. Noong 1993, mahigit dalawangpung taon na ang nakakaraan, nasunog ang Zhili Handicraft Factory na pinagsama-samang bodega, workshop at workers’ dormitory sa Shenzhen. Pinangakuan ng kompensasyon ang mga naulila ng 87 na manggagawang namatay na hindi naman natupad. Nakakakilabot sa lumabas na report na katulad din sa Kentex, pinakandado ng kapitalista ang mga exits ng pabrika ng mga laruan na ito sa China para umano sawatain ang pagnanakaw ng kalakal sa hanay ng mga empleyado.

Sa Pilipinas, sunod-sunod na din ang mga industrial accidents na kumitil sa maraming buhay, kabilang ang sunog sa bodega Pasay na ikinamatay ng 8 babae; at sunog din sa Novo Jeans factory sa Butuan na ikinamatay naman ng may 17 babaeng manggagawa.

Karamihan ng mga insidenteng ito ay masasabing resulta ng kapabayaan ng gobyerno sa sarili nitong tungkulin na pangalagaan ang karapatan ng manggagawa. Naglabas ang DOLE ng Department Order 131-13, ang Labor Laws Compliance System, na layunin umano ay “inculcate and foster a culture of voluntary compliance, where there is less government intervention, and there is more workers’ and employers’ active participation in the plant-level.”

Ito ang diwa ng tripartism na ipinapatupad ng rehimeng Aquino, na sa suma tutal ay pagsasapribado ng government functions sa pag-seseguro sa pagpapatupad ng mga industriya ng occupational health and safety. Pinaglalaho nito ang pananagutan ng Estado na kompulsaryong sumunod sa batas ng occupational health and safety. Sa halip ay ipinapaubaya sa mga kapitalista ang buhay ng mga manggagawa. Ilusyon lamang ang tripartism, dahil kapitalista lang naman ang nasusunod at masusunod sa isang pabrika. Ang Labor Inspector, pinalitan ng Labor Laws Compliance Officer. At kasabay ng implementasyon sa sistema ng self-assessment ng Department Order at, naging scheduled na din ang inspection ng pabrika dahil tinanggal na din ang surprise inspection. May checklist ng mga standards na guguhitan na lamang ng check ang mga kahon sa tapat ng bawat standard. Kaya hindi nakakapagtakang itinuring na “compliant” itong Kentex at halos lahat ng empresa sa buong bansa. Malinaw na isang drama na lang ang prosesong ito.

Noong nabubuhay pa ang mga biktima, sila ay tila mga kaluluwang pinatay na ng sobrang baba ng pasahod at ng araw-araw na pagkaalipin sa kontraktwal o pakyawan na empleyo. Masasabi natin na sila makailang-ulit na biktima, hindi lang sa lagim ng kanilang pagsapit sa kamatayan, kundi sa isang malaganap na pagsasamantala ng kapitalista na pilit ipinagkakaila ng mga ahensya ng gobyerno at ng mga kapitalista. Hindi lang kuwento ang mga moda ng mala-aliping paggawa, pinatunayan ito ng mga nakaligtas na manggagawa ng Kentex. Sa fact-finding mission din at kahit sa mga interview sa mass media, naglabasan ang mga litanya ukol sa pagsasamantala sa manggagawa. Merongndapat ay “ regular” na manggagawana na 20-25 years nagtatrabaho. Merong namang mga casual na manggagawa na mga 10 taon ng nagtatrabaho, at may mahigit 100—kabilang dito ang marami sa mga namatay—na tinatawag na agency workers, na ang arawang sahod na P202 lamang na hindi aabot sa minimum wage kahit idagdag pa ang paiba-iba halaga na daily allowance na nagkakahalaga ngP187-P220, depende sa haba ng serbisyo sa trabaho. May nagsabi din na ang sahod ay kinakaltasan pa ng halagang 5 piso hanggang 20 piso na kinukubra ng mga kabo hiwalay pa sa kita ng ahensiya sa kanila. Ayon sa IOHSAD, iimbestigahan nila ang ulat na may mga menor de edad din na nagtatrabaho sa Kentex– mga high school students na nag-apply ng summer jobs.

Sinasabi ng DOLE na ang katarungan ay simpleng compensation justice lamang. Matapos ang sinapit ng mga manggagawa at sa sinasapit ng kanilang pamilya, magpapakasapat na lang ba tayo dito. Nananawagan ng mga pamilya ng biktima ng tunay na hustisya para sa kanilang mga nasawing kaanak, at kailangan papanagutin ang kapitalista ng Kentex. Ito ang kagyat na laban, isang hamon na dapat nating suportahan. Ngunit ang higit nating magagawa para tulungan ang mga biktima na makamtan ang tunay na katarungan ay imbestigahan ang laganap na ang kontraktuwalisasyon at paglabag sa occupational safety sa buong bansa. Hindi lamang ito para sa mga nasawi sa Kentex kundi sa iba pang mga biktima ng Eton properties, Novo Jeans, at Micro Tech. Nakalutang na ang dambuhalang depekto ng pamamahala ng DOLE at iba pang regulatory agencies. Magandang simulan natin ang imbestagasyon sa Department Order 131-13, at mula doon ay isa-isang malansag ang iba pang mga kautusan ng mga ahensya na sa higit na naglilingkod sa kapitalista at nagpapahamak sa mga manggagawa

Ngayong Mayo 18 ay itinalagang National Day of Mourning ng mga pamilya at mga nakaligtas sa sunog sa Kentex. Inaanyayahan ko ang mga mambabatas na makiisa sa kahingian ng mga manggagawa na ipasa na ang mga batas na magtitiyak ng pag-aayos ng ligtas na trabaho, na may nakabubuhay na sahod at regular na empleyo. Sa pagtatapos ng konsultahan kahapon sa San Juan Dela Cruz Parish Church sa Barangay Ugong, nasambit ng isang babae, na nagpakilalang biyenan ng isa sa mga namatay sa pabrika, na kailangang isulong ang kaso hindi para sa indibidwal at paisa-isang paghahabol ng danyos. Sa kanya ding sariling pananalita, ito ay para na rin sa mapagpasiyang kalutasan sa baluktot na sistema, at para mabigyan ng proteksyon ang lahat ng manggagawa ng magkaroon ng saysay ang pagkamatay ng mga manggagawa ng Kentex.

Ako ay pumapanig sa kanya sa paniniwala na ang paggawad ng hustisya ay hindi sa barya-baryang danyos sa mga napinsala, kundi sa malaganap na hustisyang panlipunan para sa uring manggagawa sa buong bansa.

Maraming salamat, magandang gabi.

Legislation Type: